Posts

Showing posts from September, 2022

Naniwala akong iba ka sa kanila. Na hindi mo ako sasaktan. Na hindi mo ako bibigyan ng anumang dahilan para pagdudahan ka o para tapusin ang kuwentong isinulat nating dalawa. Naniwala akong panghabangbuhay na tayong nakatadhana. Naniwala akong sa bawat pagsikat at paglubog ng araw ay ako lang ang iyong maaalala. Na ako lang ang iibigin mo nang buong katiyakan. Walang alinlangan. Dahil ilang taon mo ring patunayan na ako lang ang tanging bituin sa iyong mga mata, pero hindi pala. Posible palang mapagod ako sa ’yo kahit ikaw ang aking pahinga. Posible palang mapagod ako at maubos ang pagmamahal sa isang iglap. Posible palang magbago ka at matapos nang ganoon ka-aga ang kuwentong idinalangin natin kay Bathala. Posible palang maging malikot ang mga hinala at mauwi lang ulit sa “akala” ang lahat. Buong buhay ko, naniwala akong iba ka sa kanila. Na hindi mo ako sasaktan. Na tutuparin mo ang ipinangako mong iingatan mo ako sa lahat ng walang hanggan, pero bakit may hangganan ang ipinangako mong katiyakan? Bakit biglang nagbago ang lahat ng nakasanayan? Hindi ko alam kung paanong ang pag-ibig na akala kong hindi kailanman masisira ay puwede pa palang mawasak sa panahong hindi ko inaasahan. Sabi mo, hindi mo ako iiwan, pero iniwanan mo ako ng sanlibong katanungan. Ako ba ang nagkulang? May nagawa ba akong mali para masaktan ako nang lubusan? Naniwala ako... Pinaniwala mo akong hindi ka katulad ng iba. Pero bakit hanggang salita lang pala ang lahat? Hindi ba ako naging sapat?  “Mahal, may hangganan din pala ang lahat ng simula—katulad ng isang kanta, katulad nating dalawa.”

Nung gabing umalis ka,  hinintay kita— kasi sabi mo babalik ka.  Inaliw ko muna ang sarili sa pakikinig ng musika. Pinanood ko muna ang mga taong dumaraan sa kalsada.  Nagtatawanan.  Yakap yakap nila ang sisidlan ng kasiyahan. Samantalang tangan tangan ko naman ang pag-asang babalikan mo 'ko— kung saan mo 'ko iniwan.  Nang bumisita ang dilim. Ipinikit ang mga mata't pinakawalan ang buntong hiningang malalim. Hindi na dapat ako nag-hintay. Dapat pala umuwi na lang ako sa bahay.  Dahil habang hinihintay kita, nakauwi ka na pala— nakauwi ka na sa iba.

Mahal, ganito tayo kabilis natapos. Masaya pa tayo noon. Noong unang taon. Sabik na sabik ka pang umuwi sa akin noon, at matatamis pa noon ang bawat “mahal kita” na bukambibig mo. Sa isipan natin, tayo na talaga hanggang dulo. Sa isipan ko, walang anumang pagsubok ang hindi natin makakayang ipanalo.  Pero, Mahal, biglang nagbago. Biglang naubos ang pagmamahal mo. Hindi ito ang huling taon na pinangarap ko para sa “ikaw at ako”. Ayaw kong matapos, pero sabi mo, unti-unti ka nang nauubos. Hindi ko alam kung bakit kailangan nating mauwi rito. Tandang-tanda ko pa noon kung paano natin sinamahan ang isa’t isa na maghilom at muling bumangon. Hindi ba’t ako ang “Mahiwaga” mo? Pero bakit nagbago? Bakit kumupas ang mga pangako? Bakit hindi ko na matagpuan ang “ikaw” na minsang naging kabiyak ng “ako”?  Mahal, hindi ko alam kung paanong hindi na ako ang pahinga mo. At hindi ko alam kung saan na ako patungo. Dahil nasanay akong laging umuuwi sa ’yo. Pero, tinapos mo na ang isinulat nating kuwento. Nanggaling na mismo sa ’yo ang mga salitang hindi ko inakalang sasabihin mo. Parang wala nang mas masakit pa sa pagsuko mo. At ngayong naglaho na ang pag-ibig mo, ano pa ang panghahawakan ko para magpatuloy? Paano ako uusad kung hanggang ngayon, sa ’yo pa rin umiikot ang mundo ko? Mahal, paano?

Gusto kong umawit Gusto kong umindak Gusto kong tumahan na mula sa matagal nang pag-iyak. Gusto ko ng yakap Gusto ko ng halik Gusto kong may makasama sa aking pag -idlip. Gusto ko ng kapiling Gusto ko ng lambing Gusto kong lumigaya kahit katiting.

Kung ipagkakaloob man sa akin, nais kong ikaw na sana ang huli kong tatawagin sa tawagang pagkakasunduan natin. O sa kung anong gusto mong itawag ko sa'yo.  Nais ko sanang ikaw na ang una't huli ko.  Una kong dadalhin sa museo sa pinaka-espesiyal na araw ko. Ipararamdam sa'yo roon na maari tayong matuto sa nakaraan nang sabay habang pareho tayong nagmamahal.  Una kong titingnan sa umaga upang magbigay sa akin ng pakiramdam na maaari palang gumising na unang mararamdaman ay pagkasabik; sa simula ng araw hanggang sa magsimula ang dilim, na ikaw ang una at huli ko ring masisilayan.  Una kong ipagtitimpla ng kape na hindi magiging mapait ang lasa, hindi rin matamis. Iyong sakto lang sa iyong nais.  Kung ipagkakaloob man ng itaas o tadhana, nais kong ikaw na ang huli kong magiging paksa sa lahat ng isusulat kong masasayang tula.

Unti-unti ko nang natatanggap na wala na. Na isa nga lang tayo sa libo-libong istorya ng pagkabigo. Na dumating lang tayo sa buhay ng isaʼt isa para iparanas kung paano mahalin. Mahirap aminin, pero nararamdaman ko na ang pamamaalam. Sana hindi ko na lang sinabi ang mga nasabi. Sana sinabi ko na lang ang mga hindi nasabi. Maagang dumating ang umaga sa ating dalawa— hindi nagpasintabi, hindi nagbigay ng babala. Mahal pa natin ang isaʼt isa, pero kailangan na nating umusad nang hindi magkasama.

aaminin ko, isa ito sa mga hinahangad ko.  kahit sabihin kong masaya ako para sa inyo, kahit alam kong suportado kita sa mga gusto mo. aaminin ko na sa likod ng mga ngiting kaya kong ibigay, may mga luha ng panghihinayang kung bakit hindi ako. kaya madalas, humihiling ako sa langit na baka - pwedeng ako naman ang bigyan. sa akin ka naman. pangako, hindi kita bibiguin. pangako hindi ako magkukulang. hindi kita sasaktan. oo, hindi kita sasaktan kahit hangad kong masaktan ka niya. pasensya na. ito lang kasi ang alam kong paraan para mangyari tayong dalawa.

Balang araw may darating din para sayo. Yung hindi mo na kailangan isipin kung anong mali— kung bakit hindi ka pinili.  Hindi mo na kailangang maghintay ng susundo sayo, dahil darating na lang ang isang mahigpit na yakap— na papawi sa pagod na nararamdaman mo.  Yung tipong hindi mo na kailangan maghintay ng matagal, dahil darating ng kusa ang tunay na magmamahal. Balang araw pipiliin ka rin. Balang araw ikaw naman ang uunahin.

May mga pagkakataon na mas pinipili kong hindi mag salita mas pinipili kong hindi mag pahalata mas pinipili kong ‘wag na lang pansinin muna ang mga bagay tulad nang iyong pinapakita May mga araw at gabi na mas mahalaga ka mas mahalaga ang iyong nadarama mas mahalaga na nakikita kong masaya ka kahit madalas nakakaubos ka na at paulit-ulit ang mga maling ginagawa Ikaw palagi ang aking iniintindi at inuuna kahit ang bulong sa’kin ng mundo ay bitiw na hindi ako umalis itinuring pa rin kitang pahinga kahit sobrang nakakapagod ka na Hindi ako nakinig sa mundo hindi ko piniling sumuko hindi ko rin palaging pinipili ang sarili ko ‘pag dating sa’yo – ikaw palagi ang inuuna ko Dahil sa’yo naubos ako Dahil sa’yo nawalan ako Dahil sa’yo nabawasan ako Dahil sa’yo hindi na ako ‘to Hindi ko na kilala ang sarili ko Salamat at may natutunan naman ako kailangan pala talagang piliin ko muna ang sarili ko bago ang ibang tao Nagising ako sa katotohanang – nakauubos pala magbigay ng mga parte na wala sa ibang tao, dahil kapalit nito’y pagkakulang naman sa sarili ko

Hindi na ako lalaban. Puputulin ko na ang pag-asa na nag-uugnay sa ating dalawa. Tama ka—tapos na. Ang nakaraan ay mananatili na lamang nakaraan. Ang mga alaala ay hanggang alaala na lang. At ang minsang minahal mo ako ay matatanaw na lang sa mga litrato. Hindi na babalik ang dating tayo. Tanggap ko na—tapos na. Sasanayin ko ulit ang sarili sa pag-iisa. Medyo matatagalan nga lang bago ko maibalik sa dati ang sarili kong nawala. Pero ang mahalaga naman, nasa maayos kang kalagayan. Alam kong tapos na at wala nang kasunod ang huling beses na pangungumusta. Hindi na ako ang iyong tahanan. Masasanay na lang ako sa pait ng iyong paglisan. At sino ba ako para hindi tanggapin ang iyong paalam? Hindi na ako lalaban. Noong araw na sinabi mong ayaw mo na at ang tanging gusto mo ay katahimikan, doon ko napagtantong marunong din palang makalimot ang pagmamahal. Mahal, noong gabing hindi ka na lumaban, para akong natalo sa giyera kahit mayroon akong armas. Ganoon kasakit ang lahat. Wala akong nagawa para manatili ka pa. Dahil ang totoo, nagbago na ang lahat. At hindi na ako sapat.

Sabi nila kung patuloy mong bibilangin ang naging kulang, patuloy na hahanapin ang nawala— hindi mo makikitang may mga natira, nanatili at pinili ka. Hindi naman ako nagsasawa. Magmula ng magdesisyon akong manatili sa tabi mo, kahit na hindi sigurado ang panalo sa'yo ay wala akong pinagsisisihan. Masaya akong makita kang ngumingiti na muli. Sapagkat sa mahabang panahon, naging saksi ako sa bawat mong hikbi dahil sa maling tao na parati mong pinipili. Alam kong hindi tayo nasa parehong pahina, ako lang ang naghihintay. Hindi ka dumaing sa'kin na huwag akong umalis— ako ang pumiling manatili. Sana sa oras na buo ka na, hindi pa ako ubos. Sana pag kaya na muli ng puso mong magmahal, ako na. Pero huwag kang mag alala, dahil hanggang kaya ko pa— mamahalin kita araw-araw. Hindi pa ako pagod.

Taga-view ka na lang ng IG Story at MyDay niya pero tanggap mo na, ang mahalaga ay minsan kang naging parte ng history niya. Masaya at kuntento ka, at buong buhay magpapasalamat na minsan kayong naging isa, kahit pa pinanonood mo na lamang sila ngayon na maging masaya sa piling ng isa't isa. Masaya at kuntento ka sa mga alaala. Hindi na maibabalik pa ang nakaraan pero ang mga gunita, hindi na mawawala kailanman.