Skip to main content
Mahal, ganito tayo kabilis natapos. Masaya pa tayo noon. Noong unang taon. Sabik na sabik ka pang umuwi sa akin noon, at matatamis pa noon ang bawat “mahal kita” na bukambibig mo. Sa isipan natin, tayo na talaga hanggang dulo. Sa isipan ko, walang anumang pagsubok ang hindi natin makakayang ipanalo. Pero, Mahal, biglang nagbago. Biglang naubos ang pagmamahal mo. Hindi ito ang huling taon na pinangarap ko para sa “ikaw at ako”. Ayaw kong matapos, pero sabi mo, unti-unti ka nang nauubos. Hindi ko alam kung bakit kailangan nating mauwi rito. Tandang-tanda ko pa noon kung paano natin sinamahan ang isa’t isa na maghilom at muling bumangon. Hindi ba’t ako ang “Mahiwaga” mo? Pero bakit nagbago? Bakit kumupas ang mga pangako? Bakit hindi ko na matagpuan ang “ikaw” na minsang naging kabiyak ng “ako”? Mahal, hindi ko alam kung paanong hindi na ako ang pahinga mo. At hindi ko alam kung saan na ako patungo. Dahil nasanay akong laging umuuwi sa ’yo. Pero, tinapos mo na ang isinulat nating kuwento. Nanggaling na mismo sa ’yo ang mga salitang hindi ko inakalang sasabihin mo. Parang wala nang mas masakit pa sa pagsuko mo. At ngayong naglaho na ang pag-ibig mo, ano pa ang panghahawakan ko para magpatuloy? Paano ako uusad kung hanggang ngayon, sa ’yo pa rin umiikot ang mundo ko? Mahal, paano?
Popular posts from this blog
Comments
Post a Comment