Skip to main content
Naniwala akong iba ka sa kanila. Na hindi mo ako sasaktan. Na hindi mo ako bibigyan ng anumang dahilan para pagdudahan ka o para tapusin ang kuwentong isinulat nating dalawa. Naniwala akong panghabangbuhay na tayong nakatadhana. Naniwala akong sa bawat pagsikat at paglubog ng araw ay ako lang ang iyong maaalala. Na ako lang ang iibigin mo nang buong katiyakan. Walang alinlangan. Dahil ilang taon mo ring patunayan na ako lang ang tanging bituin sa iyong mga mata, pero hindi pala. Posible palang mapagod ako sa ’yo kahit ikaw ang aking pahinga. Posible palang mapagod ako at maubos ang pagmamahal sa isang iglap. Posible palang magbago ka at matapos nang ganoon ka-aga ang kuwentong idinalangin natin kay Bathala. Posible palang maging malikot ang mga hinala at mauwi lang ulit sa “akala” ang lahat. Buong buhay ko, naniwala akong iba ka sa kanila. Na hindi mo ako sasaktan. Na tutuparin mo ang ipinangako mong iingatan mo ako sa lahat ng walang hanggan, pero bakit may hangganan ang ipinangako mong katiyakan? Bakit biglang nagbago ang lahat ng nakasanayan? Hindi ko alam kung paanong ang pag-ibig na akala kong hindi kailanman masisira ay puwede pa palang mawasak sa panahong hindi ko inaasahan. Sabi mo, hindi mo ako iiwan, pero iniwanan mo ako ng sanlibong katanungan. Ako ba ang nagkulang? May nagawa ba akong mali para masaktan ako nang lubusan? Naniwala ako... Pinaniwala mo akong hindi ka katulad ng iba. Pero bakit hanggang salita lang pala ang lahat? Hindi ba ako naging sapat? “Mahal, may hangganan din pala ang lahat ng simula—katulad ng isang kanta, katulad nating dalawa.”
Popular posts from this blog
Comments
Post a Comment