Skip to main content
Kung ipagkakaloob man sa akin, nais kong ikaw na sana ang huli kong tatawagin sa tawagang pagkakasunduan natin. O sa kung anong gusto mong itawag ko sa'yo. Nais ko sanang ikaw na ang una't huli ko. Una kong dadalhin sa museo sa pinaka-espesiyal na araw ko. Ipararamdam sa'yo roon na maari tayong matuto sa nakaraan nang sabay habang pareho tayong nagmamahal. Una kong titingnan sa umaga upang magbigay sa akin ng pakiramdam na maaari palang gumising na unang mararamdaman ay pagkasabik; sa simula ng araw hanggang sa magsimula ang dilim, na ikaw ang una at huli ko ring masisilayan. Una kong ipagtitimpla ng kape na hindi magiging mapait ang lasa, hindi rin matamis. Iyong sakto lang sa iyong nais. Kung ipagkakaloob man ng itaas o tadhana, nais kong ikaw na ang huli kong magiging paksa sa lahat ng isusulat kong masasayang tula.
Popular posts from this blog
Comments
Post a Comment