Hindi na ako lalaban. Puputulin ko na ang pag-asa na nag-uugnay sa ating dalawa. Tama ka—tapos na. Ang nakaraan ay mananatili na lamang nakaraan. Ang mga alaala ay hanggang alaala na lang. At ang minsang minahal mo ako ay matatanaw na lang sa mga litrato. Hindi na babalik ang dating tayo. Tanggap ko na—tapos na. Sasanayin ko ulit ang sarili sa pag-iisa. Medyo matatagalan nga lang bago ko maibalik sa dati ang sarili kong nawala. Pero ang mahalaga naman, nasa maayos kang kalagayan. Alam kong tapos na at wala nang kasunod ang huling beses na pangungumusta. Hindi na ako ang iyong tahanan. Masasanay na lang ako sa pait ng iyong paglisan. At sino ba ako para hindi tanggapin ang iyong paalam? Hindi na ako lalaban. Noong araw na sinabi mong ayaw mo na at ang tanging gusto mo ay katahimikan, doon ko napagtantong marunong din palang makalimot ang pagmamahal. Mahal, noong gabing hindi ka na lumaban, para akong natalo sa giyera kahit mayroon akong armas. Ganoon kasakit ang lahat. Wala akong nagawa para manatili ka pa. Dahil ang totoo, nagbago na ang lahat. At hindi na ako sapat.

Comments

Popular posts from this blog

Nang-iwan ka nang walang paalam. Walang pasabi. Hindi mo man lang ako ginising. ’Yon na pala ang permanente mong paglisan. Wala akong kaalam-alam. Naisip mo ba kahit isang beses lang kung kakayanin kong maiwan? Ni minsan ba naisip mo akong ipaglaban bago ka lumisan? Hindi ko alam kung ano pa ang dapat kong maramdaman kung lahat ng pinakamasaya sa nakaraan ay nabura na sa kasalukuyan.  Siguro ay sinadya mong hindi magpaalam para hindi ako mas masaktan, pero Mahal, hindi ganito ang pinangarap kong walang hanggan. Hindi ganito ang pinangarap nating kasiguraduhan. Mahal, masyadong masakit at parang hindi ko kakayanin ang malunod dito nang paulit-ulit. Sa sobrang sakit, nakaukit na sa akin na baka nga hindi mo ako kayang piliin hanggang huli. Baka pansamantala lang talaga ang mga nakahaing pananatili, at ang dating kaligayahan ay hindi na abot-langit. Minsan kong sinisi si Bathala ang ang tadhana. Bakit ganito kasakit ang umibig? Bakit ginawang requirement sa pag-ibig ang makaranas ng sakit? Bakit hindi permanente ang tamis? Bakit mo kailangang umalis kung totoong minahal mo ako nang labis? Paano mo ako nagawang mahalin at iwanan ng maraming “bakit”?  Mahal, bakit?

No’ng gabing ‘yon, tumaas ang boses mo kaysa karaniwan. Hindi ko mabaybay bawat salitang kumakawala. Hindi ko alam kung ako ba talaga ang nagkulang sa pang-unawa, o dinapuan ka na lang ng pagkasawa. Marami naman na tayong dinaanang ganito. May simple lang—‘yung pabirong away dahil nasabi kong mas pipiliin ko ang isang milyon kaysa sa’yo. ‘Yung saktong inis at tampo dahil nalimutan mo na namang allergic ako sa hipon at alimango. At ‘yung mga away na nagagamot naman ng haplos, ng titig, ng bulong at panunuyo. Maraming away na tayong nalagpasan, pero iba ata ‘yung gabing iyon. Malala. Madiin ang mga salita. Hindi kita makilala. No’ng gabing ‘yon, iginapos mo ang pasensya’t binusalan ang pagpapakumbaba. Hinayaan mong bumuhos ang luha, hinayaan mong humikbi ang pag-asa. Sumuko ka. No’ng gabing ‘yon, nakatayo lang tayo sa iisang kuwarto. Kinailangan mong sumigaw kahit ilang dipa lang ang agwat ko sa’yo. Doon ko napagtanto—marahil—magkalapit nga tayo, pero malayo na ang ‘yong puso.