Posts

Palalayain na kita. Matagal mo nang hinihingi ’to sa akin—noon pa. Hindi ko lang maibigay dahil umaasa pa akong makakaya pang baguhin ang nakaraan at maibalik ang dating pagmamahal. Hindi naman siguro masama kung ilang beses kong pinanghawakan ang mga ipinangako mo noong tayo pa. Oo, aaminin ko, mabigat sa akin ang palayain ka. Kung puwede lang sanang puntahan ka at muling magmakaawa, pero hindi na tama. Hindi na tayo maayos at hindi na rin tayo kayang ayusin pa ng tadhana o ni Bathala. Marami na ang nagbago. At kapag sinabi kong nagbago ang lahat, ang ibig kong sabihin ay hindi na ako kilala ng puso mo. Kayâ naisipan kong piliin na lang na palayain ka dahil wala na rin namang halaga kung ilalaban pa kita. Sabi mo noon, hindi mo na nakikitang ako ang makakasama mo hanggang dulo. Siguro nga, pagsuko na lang ang solusyon. Paglaya na ang sagot. Makukuntento na lang ako sa minsang minahal mo ako. At hindi na mauulit ’yon. Ayos lang. Wala namang bago—ikaw pa rin ang nasusunod. At wala naman akong karapatang ipagkait ang kung anumang makabubuti sa ’yo. Wala akong laban sa mga pangarap mo, sa sarili mo, sa pamilya mo at sa mga bagay na mas nauna sa buhay mo. Wala akong laban sa kalayaang pinili mo. Siguro nga, masaya ka na ngayon. At pampagulo lang ako sa ating kuwento. Hindi na mauulit ang lahat ng nangyari sa kahapon. Kayâ kung mababasa mo man ito, gusto kong malaman mong pinapalaya na kita dahil ito na lang ang kaya kong ibigay sa ’yo bilang kapalit ng mga pagkakamali ko. Palalayain na lang kita dahil dito, sigurado akong mas magiging masaya ka. At ayos lang naman ako rito sa kung saan mo ako iniwan. Hindi na ako magmamakaawa. Dahil nakakapagod din palang maubos sa paulit-ulit na dahilan. Ngayon, ito ang naisip kong paraan para malaman mo kung gaano talaga kita kamahal. Handa akong talikuran kung saan ako sasaya. Mahal, ang aking pag-ibig ay nangangahulugang pagpaparaya. Sana ay maging masaya ka. Sana ay hindi na kita masaktan pa.

Matagal na iyon. Tanggap ko na. Naipagpatuloy ko na ang buhay ko na noon ay huminto nang lumisan ka at naiwan akong luhaan. Masaya na ako ngayon; buo, mas matapang, mas makulay at higit na malawak na ang mundo ko. Hindi na rin nagdurugo ang puso—ngunit aaminin ko, may puwang ka pa rin sa isang sulok nito.  Lahat ng sugat ay pinaghihilom ng pagtanggap at ng panahon ngunit may mga alaala palang hindi mabubura—katulad mo.

No’ng gabing ‘yon, tumaas ang boses mo kaysa karaniwan. Hindi ko mabaybay bawat salitang kumakawala. Hindi ko alam kung ako ba talaga ang nagkulang sa pang-unawa, o dinapuan ka na lang ng pagkasawa. Marami naman na tayong dinaanang ganito. May simple lang—‘yung pabirong away dahil nasabi kong mas pipiliin ko ang isang milyon kaysa sa’yo. ‘Yung saktong inis at tampo dahil nalimutan mo na namang allergic ako sa hipon at alimango. At ‘yung mga away na nagagamot naman ng haplos, ng titig, ng bulong at panunuyo. Maraming away na tayong nalagpasan, pero iba ata ‘yung gabing iyon. Malala. Madiin ang mga salita. Hindi kita makilala. No’ng gabing ‘yon, iginapos mo ang pasensya’t binusalan ang pagpapakumbaba. Hinayaan mong bumuhos ang luha, hinayaan mong humikbi ang pag-asa. Sumuko ka. No’ng gabing ‘yon, nakatayo lang tayo sa iisang kuwarto. Kinailangan mong sumigaw kahit ilang dipa lang ang agwat ko sa’yo. Doon ko napagtanto—marahil—magkalapit nga tayo, pero malayo na ang ‘yong puso.

Sabi mo, nasaktan kita. Pero nasaktan mo rin ako. Nasaktan ako sa tuwing mas pinipili mong umalis kapag may problema tayo. Hindi mo man lang naisipan na makipag-ayos. Natutulog ako nang mabigat ang loob. Ang kasalanan mo ay kasalanan ko. Bakit ganoon? Hindi ko maintindihan kung paano mo nasasabing mahal mo ako pero pinapanood mo lang akong madurog. Nasaktan ako tuwing sinasabi mong, “hindi rin naman tayo tatagal.” Hindi ko maintindihan kung saan nanggagaling ’yon. Kung totoong mahal mo ako, bakit bukambibig mo na agad ang pagtatapos? Mahal mo ba talaga ako, o kinailangan mo lang ako? Nasaktan ako tuwing wala ka sa tabi ko. Sa mga araw na malungkot ako, doon mo pinipiling lumayo. Magdadahilan kang kikitain mo ang kaibigan mo, o ’di kaya ay itinutulog mo na lang kaysa samahan ako. Pero sa tuwing kailangan mo ako ay agad-agad akong pupunta sa ’yo. Kahit nakasuot pa ako ng pantulog ay handa akong makinig sa mga kuwento mo. Doon ko nalaman na ang pag-ibig mo para sa akin ay laging hindi sigurado. Mahal mo lang ako kung kailan mo gusto. Mahal mo lang ako kapag masaya tayo. Mahal mo lang ako kapag may nagagawa ako sa ’yo. Pero kapag walang-wala na ako, wala na rin akong halaga sa ’yo. Sabi mo, nasaktan kita. Pero nasaktan mo rin ako. Nanahimik ako. Hinayaan kong ikaw lagi ang manalo sa bawat pagtatalo. Hinayaan kong maging mababa lalo ang pagtingin ko sa sarili ko. Nakauubos. Napagod ako. Pero hindi ako sumuko. Kahit naging kalaban ko na ang lahat, inilaban ko pa rin ang “tayo”. Pero wala lang pala ’yon sa ’yo. Hindi ko maunawaan kung paanong minahal mo ako pero nagawa mong sukuan ang isinulat nating kuwento. Sobrang bigat ng mga pagkukulang mo pero ni minsan, hindi kita tiningnan bilang “kulang” o “sayang”.  Higit sa lahat, gusto kong malaman mong nasaktan mo rin ako. Nasaktan ako sa pagmamahal na parang hindi naging totoo. Ang pagdating mo sa buhay ko ay itinuturing kong biyaya noon. Pero ngayon, parang ayaw ko nang maniwala na may tao pang kayang magmahal ng isang tulad ko. Kayâ ngayon, tatanungin kita, saang banda kita nasaktan kung una palang ay ikaw ang nang-iwan? Matagal mo na akong iniwan—simula noong nanatili ka lang para sa mga kaya kong ibigay pero hindi dahil sa pagmamahal. “Mahal, hindi na lang sana kita minahal.”

Nang-iwan ka nang walang paalam. Walang pasabi. Hindi mo man lang ako ginising. ’Yon na pala ang permanente mong paglisan. Wala akong kaalam-alam. Naisip mo ba kahit isang beses lang kung kakayanin kong maiwan? Ni minsan ba naisip mo akong ipaglaban bago ka lumisan? Hindi ko alam kung ano pa ang dapat kong maramdaman kung lahat ng pinakamasaya sa nakaraan ay nabura na sa kasalukuyan.  Siguro ay sinadya mong hindi magpaalam para hindi ako mas masaktan, pero Mahal, hindi ganito ang pinangarap kong walang hanggan. Hindi ganito ang pinangarap nating kasiguraduhan. Mahal, masyadong masakit at parang hindi ko kakayanin ang malunod dito nang paulit-ulit. Sa sobrang sakit, nakaukit na sa akin na baka nga hindi mo ako kayang piliin hanggang huli. Baka pansamantala lang talaga ang mga nakahaing pananatili, at ang dating kaligayahan ay hindi na abot-langit. Minsan kong sinisi si Bathala ang ang tadhana. Bakit ganito kasakit ang umibig? Bakit ginawang requirement sa pag-ibig ang makaranas ng sakit? Bakit hindi permanente ang tamis? Bakit mo kailangang umalis kung totoong minahal mo ako nang labis? Paano mo ako nagawang mahalin at iwanan ng maraming “bakit”?  Mahal, bakit?

Tumitibok na naman ang puso ko Sumasabay na naman sa ritmo ng isang pag-ibig. Sa lahat ng parte sa pag-ibig, eto yung gustong gusto ko Yung bawat galaw ko kitang kita ang ngiti sa mga mata. Animo'y baliw na baliw Hindi mapakali, wala namang salitang binabanggit pero ang kilig ay abot langit. Parang batang nabigyan ng isang laruan na matagal ng hinihiling. Heto na naman ako baliw sa pag-ibig. Pero eto din ang nakakatakot na parte sa pag-ibig para sa 'kin. Walang kasiguraduhan Tamang masaya kayo pero ang tanong Mahal kaba n'ya? Dito ako nalilinlang ng pag-ibigKung minsan sa gantong parte din ako nasasaktan. Nasusugatan. At kung minsan eto ang mahirap kalimutan. Masasandalan mo s'ya pero hindi mo pwedeng sabihin sa kan'ya na s'ya ang dahilan ng pagluha mo. Dahil hindi ka sigurado Kung papakinggan pa n'ya ang 'yong kwento kapag nalaman n'yang, s'ya na pala ang ginagawa mong bida sa sarili mong libro.

Baka nga totoong mahirap akong mahalin kaya ka umalis. Noong mga nakaraang buwan, lagi mong sinasabing pagod ka na sa akin. Paulit-ulit na lang ang mga nangyayari. Bumabawi ako pero hindi mo napapansin. Hindi mo nakikita. Madalas, pakiramdam ko, wala na akong halaga. Hindi ka na madaan sa lambing. Nawala na rin ang mga yakap na mahigpit. Hindi ka na sabik sa pagbanggit ng “mahal kita”. Naging malabo ang lahat, hanggang sa magdesisyon kang lumisan. Lagi kong tinatanong ang sarili kung ako lang ba ang nagkulang, kung ako lang ba ang mali sa lahat ng ating pinagdaanan. Lagi kong ibinubulong sa langit na ibalik ka pero wala akong natanggap na sagot. Tanging katahimikan ang naramdaman ko. Kaya baka nga, nahirapan kang mahalin ako. Baka nga, dumating ka lang sa buhay ko para magbigay ng kaunting kalma ’tapos noong punong-puno na tayo ng pagsubok, mas minabuti mong isalba ang sarili mo kaysa isalba ang “tayo”. Naiintindihan ko... Naiintindihan ko pero sa tuwing naiisip kong napagod ka, mas nararamdaman kong hindi ako kamahal-mahal. O baka, hindi naman talaga. Naawa ka lang noon kaya pinili mong manatili pansamantala.