Baka nga totoong mahirap akong mahalin kaya ka umalis. Noong mga nakaraang buwan, lagi mong sinasabing pagod ka na sa akin. Paulit-ulit na lang ang mga nangyayari. Bumabawi ako pero hindi mo napapansin. Hindi mo nakikita. Madalas, pakiramdam ko, wala na akong halaga. Hindi ka na madaan sa lambing. Nawala na rin ang mga yakap na mahigpit. Hindi ka na sabik sa pagbanggit ng “mahal kita”. Naging malabo ang lahat, hanggang sa magdesisyon kang lumisan. Lagi kong tinatanong ang sarili kung ako lang ba ang nagkulang, kung ako lang ba ang mali sa lahat ng ating pinagdaanan. Lagi kong ibinubulong sa langit na ibalik ka pero wala akong natanggap na sagot. Tanging katahimikan ang naramdaman ko. Kaya baka nga, nahirapan kang mahalin ako. Baka nga, dumating ka lang sa buhay ko para magbigay ng kaunting kalma ’tapos noong punong-puno na tayo ng pagsubok, mas minabuti mong isalba ang sarili mo kaysa isalba ang “tayo”. Naiintindihan ko... Naiintindihan ko pero sa tuwing naiisip kong napagod ka, mas nararamdaman kong hindi ako kamahal-mahal. O baka, hindi naman talaga. Naawa ka lang noon kaya pinili mong manatili pansamantala.

Comments

Popular posts from this blog

Nang-iwan ka nang walang paalam. Walang pasabi. Hindi mo man lang ako ginising. ’Yon na pala ang permanente mong paglisan. Wala akong kaalam-alam. Naisip mo ba kahit isang beses lang kung kakayanin kong maiwan? Ni minsan ba naisip mo akong ipaglaban bago ka lumisan? Hindi ko alam kung ano pa ang dapat kong maramdaman kung lahat ng pinakamasaya sa nakaraan ay nabura na sa kasalukuyan.  Siguro ay sinadya mong hindi magpaalam para hindi ako mas masaktan, pero Mahal, hindi ganito ang pinangarap kong walang hanggan. Hindi ganito ang pinangarap nating kasiguraduhan. Mahal, masyadong masakit at parang hindi ko kakayanin ang malunod dito nang paulit-ulit. Sa sobrang sakit, nakaukit na sa akin na baka nga hindi mo ako kayang piliin hanggang huli. Baka pansamantala lang talaga ang mga nakahaing pananatili, at ang dating kaligayahan ay hindi na abot-langit. Minsan kong sinisi si Bathala ang ang tadhana. Bakit ganito kasakit ang umibig? Bakit ginawang requirement sa pag-ibig ang makaranas ng sakit? Bakit hindi permanente ang tamis? Bakit mo kailangang umalis kung totoong minahal mo ako nang labis? Paano mo ako nagawang mahalin at iwanan ng maraming “bakit”?  Mahal, bakit?

No’ng gabing ‘yon, tumaas ang boses mo kaysa karaniwan. Hindi ko mabaybay bawat salitang kumakawala. Hindi ko alam kung ako ba talaga ang nagkulang sa pang-unawa, o dinapuan ka na lang ng pagkasawa. Marami naman na tayong dinaanang ganito. May simple lang—‘yung pabirong away dahil nasabi kong mas pipiliin ko ang isang milyon kaysa sa’yo. ‘Yung saktong inis at tampo dahil nalimutan mo na namang allergic ako sa hipon at alimango. At ‘yung mga away na nagagamot naman ng haplos, ng titig, ng bulong at panunuyo. Maraming away na tayong nalagpasan, pero iba ata ‘yung gabing iyon. Malala. Madiin ang mga salita. Hindi kita makilala. No’ng gabing ‘yon, iginapos mo ang pasensya’t binusalan ang pagpapakumbaba. Hinayaan mong bumuhos ang luha, hinayaan mong humikbi ang pag-asa. Sumuko ka. No’ng gabing ‘yon, nakatayo lang tayo sa iisang kuwarto. Kinailangan mong sumigaw kahit ilang dipa lang ang agwat ko sa’yo. Doon ko napagtanto—marahil—magkalapit nga tayo, pero malayo na ang ‘yong puso.