Skip to main content
Sabi mo, nasaktan kita. Pero nasaktan mo rin ako. Nasaktan ako sa tuwing mas pinipili mong umalis kapag may problema tayo. Hindi mo man lang naisipan na makipag-ayos. Natutulog ako nang mabigat ang loob. Ang kasalanan mo ay kasalanan ko. Bakit ganoon? Hindi ko maintindihan kung paano mo nasasabing mahal mo ako pero pinapanood mo lang akong madurog. Nasaktan ako tuwing sinasabi mong, “hindi rin naman tayo tatagal.” Hindi ko maintindihan kung saan nanggagaling ’yon. Kung totoong mahal mo ako, bakit bukambibig mo na agad ang pagtatapos? Mahal mo ba talaga ako, o kinailangan mo lang ako? Nasaktan ako tuwing wala ka sa tabi ko. Sa mga araw na malungkot ako, doon mo pinipiling lumayo. Magdadahilan kang kikitain mo ang kaibigan mo, o ’di kaya ay itinutulog mo na lang kaysa samahan ako. Pero sa tuwing kailangan mo ako ay agad-agad akong pupunta sa ’yo. Kahit nakasuot pa ako ng pantulog ay handa akong makinig sa mga kuwento mo. Doon ko nalaman na ang pag-ibig mo para sa akin ay laging hindi sigurado. Mahal mo lang ako kung kailan mo gusto. Mahal mo lang ako kapag masaya tayo. Mahal mo lang ako kapag may nagagawa ako sa ’yo. Pero kapag walang-wala na ako, wala na rin akong halaga sa ’yo. Sabi mo, nasaktan kita. Pero nasaktan mo rin ako. Nanahimik ako. Hinayaan kong ikaw lagi ang manalo sa bawat pagtatalo. Hinayaan kong maging mababa lalo ang pagtingin ko sa sarili ko. Nakauubos. Napagod ako. Pero hindi ako sumuko. Kahit naging kalaban ko na ang lahat, inilaban ko pa rin ang “tayo”. Pero wala lang pala ’yon sa ’yo. Hindi ko maunawaan kung paanong minahal mo ako pero nagawa mong sukuan ang isinulat nating kuwento. Sobrang bigat ng mga pagkukulang mo pero ni minsan, hindi kita tiningnan bilang “kulang” o “sayang”. Higit sa lahat, gusto kong malaman mong nasaktan mo rin ako. Nasaktan ako sa pagmamahal na parang hindi naging totoo. Ang pagdating mo sa buhay ko ay itinuturing kong biyaya noon. Pero ngayon, parang ayaw ko nang maniwala na may tao pang kayang magmahal ng isang tulad ko. Kayâ ngayon, tatanungin kita, saang banda kita nasaktan kung una palang ay ikaw ang nang-iwan? Matagal mo na akong iniwan—simula noong nanatili ka lang para sa mga kaya kong ibigay pero hindi dahil sa pagmamahal. “Mahal, hindi na lang sana kita minahal.”
Popular posts from this blog
Comments
Post a Comment