Posts

Showing posts from November, 2022

Palalayain na kita. Matagal mo nang hinihingi ’to sa akin—noon pa. Hindi ko lang maibigay dahil umaasa pa akong makakaya pang baguhin ang nakaraan at maibalik ang dating pagmamahal. Hindi naman siguro masama kung ilang beses kong pinanghawakan ang mga ipinangako mo noong tayo pa. Oo, aaminin ko, mabigat sa akin ang palayain ka. Kung puwede lang sanang puntahan ka at muling magmakaawa, pero hindi na tama. Hindi na tayo maayos at hindi na rin tayo kayang ayusin pa ng tadhana o ni Bathala. Marami na ang nagbago. At kapag sinabi kong nagbago ang lahat, ang ibig kong sabihin ay hindi na ako kilala ng puso mo. Kayâ naisipan kong piliin na lang na palayain ka dahil wala na rin namang halaga kung ilalaban pa kita. Sabi mo noon, hindi mo na nakikitang ako ang makakasama mo hanggang dulo. Siguro nga, pagsuko na lang ang solusyon. Paglaya na ang sagot. Makukuntento na lang ako sa minsang minahal mo ako. At hindi na mauulit ’yon. Ayos lang. Wala namang bago—ikaw pa rin ang nasusunod. At wala naman akong karapatang ipagkait ang kung anumang makabubuti sa ’yo. Wala akong laban sa mga pangarap mo, sa sarili mo, sa pamilya mo at sa mga bagay na mas nauna sa buhay mo. Wala akong laban sa kalayaang pinili mo. Siguro nga, masaya ka na ngayon. At pampagulo lang ako sa ating kuwento. Hindi na mauulit ang lahat ng nangyari sa kahapon. Kayâ kung mababasa mo man ito, gusto kong malaman mong pinapalaya na kita dahil ito na lang ang kaya kong ibigay sa ’yo bilang kapalit ng mga pagkakamali ko. Palalayain na lang kita dahil dito, sigurado akong mas magiging masaya ka. At ayos lang naman ako rito sa kung saan mo ako iniwan. Hindi na ako magmamakaawa. Dahil nakakapagod din palang maubos sa paulit-ulit na dahilan. Ngayon, ito ang naisip kong paraan para malaman mo kung gaano talaga kita kamahal. Handa akong talikuran kung saan ako sasaya. Mahal, ang aking pag-ibig ay nangangahulugang pagpaparaya. Sana ay maging masaya ka. Sana ay hindi na kita masaktan pa.

Matagal na iyon. Tanggap ko na. Naipagpatuloy ko na ang buhay ko na noon ay huminto nang lumisan ka at naiwan akong luhaan. Masaya na ako ngayon; buo, mas matapang, mas makulay at higit na malawak na ang mundo ko. Hindi na rin nagdurugo ang puso—ngunit aaminin ko, may puwang ka pa rin sa isang sulok nito.  Lahat ng sugat ay pinaghihilom ng pagtanggap at ng panahon ngunit may mga alaala palang hindi mabubura—katulad mo.

No’ng gabing ‘yon, tumaas ang boses mo kaysa karaniwan. Hindi ko mabaybay bawat salitang kumakawala. Hindi ko alam kung ako ba talaga ang nagkulang sa pang-unawa, o dinapuan ka na lang ng pagkasawa. Marami naman na tayong dinaanang ganito. May simple lang—‘yung pabirong away dahil nasabi kong mas pipiliin ko ang isang milyon kaysa sa’yo. ‘Yung saktong inis at tampo dahil nalimutan mo na namang allergic ako sa hipon at alimango. At ‘yung mga away na nagagamot naman ng haplos, ng titig, ng bulong at panunuyo. Maraming away na tayong nalagpasan, pero iba ata ‘yung gabing iyon. Malala. Madiin ang mga salita. Hindi kita makilala. No’ng gabing ‘yon, iginapos mo ang pasensya’t binusalan ang pagpapakumbaba. Hinayaan mong bumuhos ang luha, hinayaan mong humikbi ang pag-asa. Sumuko ka. No’ng gabing ‘yon, nakatayo lang tayo sa iisang kuwarto. Kinailangan mong sumigaw kahit ilang dipa lang ang agwat ko sa’yo. Doon ko napagtanto—marahil—magkalapit nga tayo, pero malayo na ang ‘yong puso.